Ang iyong paboritong kanta ay matatabunan ng mga mas bagong himig. Makakalimutan at maisasantabi. Pero kapag pinaalala isang #ThrowbackThursday, bigla ka na lang mapapaawit na tila parang kahapon lang nang mamemorya mo ito kasama ang iyong gitara. Lingid sa iyong kaalaman, babalik na ito sa mainstream ng playlist mo at tila magiging nakakairitang #LSS (pero nakangiti ka naman habang kumakanta).
Ganoon ang pakiramdam ko ngayon habang muli kong binubuhay ang blog na ito. Napakatagal na rin pala mula nang huli akong naglakas-loob na maglathala sa site na ito. Matagal na nga mula nang huli akong magsulat. Gusto kong sabihing "masarap sa pakiramdam" at "nakakakilig", pero mas kinakabahan ako sa panibagong panimula.
Dito ko sinisimulan ang aking misyon na matapos ang aking kurso.
Dito ko binubuhay ang pag-asa na sa isang taon ay maipagmamalaki ko na UP graduate na ako.
Dito ko hinahamon ang sarili kong kayanin ang mas mabigat pang mga gawain upang mabalanse ang trabaho, pamilya, at pag-aaral.
Pagpasensiyahan n'yo na kung bigla akong lilipat sa Filipino habang ako'y magsusulat. Ito ang aking paraan upang malangisan muli ang tila narurupok nang bokabularyo at istilo sa pagsulat.
Sa mga makakabasa, salamat.
Sa mga magkokomento, maraming salamat.
Sa mga makaka-relate, apir tayo!
No comments:
Post a Comment